Imbak para sa Oktubre, 2008

My Short Story

Posted in Pastorals on Oktubre 10, 2008 by Padre Salvi

ANG SIKRETO SA LIKOD NG BIRHENG MARIA

ni Carl Joy D. Dayandante

Tahimik na nanonood ng telebisyon si Padre Menandro. Bihira lang niya gawin ito. Pampalipas oras lang habang may hinihintay na oras ng misa o taong kakapanayamin. Kanina ay natapos na niya ang isang game show na ang host ay si Kris Aquino, ngayon nama’y pinanonood niya ang balita tungkol sa nalalapit na pelikula ni Richard Gutierrez at KC Concepcion na kinunan pa raw sa Greece. Sinundan ito ng balita tungkol sa isang artista na nagpaliposuction daw kay Doktora Belo. Nilipat na lang niya ng channel. Tennis sa Beijing Olympics. Nanalo na ng isang set si Novak Djokovic.

Kinse minutos na lang bago mag-alas-siyete. Alas-otso raw darating ang inaabangan niyang tao. Iniisip na niya ang mga gagawin niya pagkarating ng bisita. Tulad ng dati pa niyang ginagawa ay babatiin niya ito sa pinto, mag-uusap nang kaunti sa sala at ihahanda ang niluto niyang hapunan. Kinakabahan na siya sa mga mangyayari. Namalayan niyang wala sa pinanonood niya ang utak niya dahil natapos na pala ang pinanonood niyang laro. Ginawang kapa ni Djokovic ang bandila ng Serbia at nagpapakitang-gilas sa mga fans Nanalo siya sa Bronze Medal Match. Nilipat na lang niya ulit ang channel. Commercial ng Frenzy Condoms. Walang kwenta.

May kumatok sa pinto. Sumilip si Menandro sa bintana at nakita ang hinihintay niyang bisita. Nakasuot ito ng asul na polo at itim na pantalon. May kaliitan, nakasalamin, malaki ang tiyan na nagpapahiwatig na mahilig ito sa mga inuman, may maayos na tindig at may astang bilib na bilib sa sarili.

“O Gob, bakit wala kayong dalang mga bodyguard?” tanong ni Menandro sa bisita niyang si Governor Solis. Sumagi sa isip ni Menandro na magdadala si Gob ng kahit isang bodyguard niya kaya sadyang sinobrahan ang nilutong Carbonara.

“Father, may magtatangka pa ba sa buhay ko ngayong nandito ako sa bahay mo? Poprotektahan ako ng Diyos ‘di ba? Ang bahay na ‘to ay nasa pangangalaga Niya!” sagot ni Gob.

Hindi nakita ng Governor ang pagsimangot at pagkunot ng noo ni Menandro.

Alam ni Padre Menandro na walang pinaniniwalaang Diyos ang Governor. Atheist, ang tawag ng karamihan sa mga taong ganito. Hindi niya kailan mang nakita ang Gob na nagsimba o pumunta sa paanyaya niya sa mga prusisyon sa bayan. Nalaman na lang niya na Atheist nga ang Gob dahil sinabi sa kanya ng kapatid nitong konsehal nung nagkaroon ng Kasalang Bayan ilang buwan na ang nakakaraan.

“Maupo ka na sa sala,” sabi ni Menandro.

Umupo ang Governor sa sofa sa may tapat ng telebisyon. Tinabihan naman ito ni Menandro. Pagkaupo niya ay nagsalita agad si Gob.

“Bakit niyo po ba ako ipinatawag, Father?”

“Mag-uusap kasi tayo tungkol sa prusisyon para sa Pistang Bayan sa susunod na buwan.”

“Alam n’yo naman pong ipinauubaya ko na lang kay Vice Gov Gomez ang mga bagay tungkol dyan. As much as possible, ayaw ko makialam sa mga bagay tungkol sa simbahan.”

“Bakit hindi?”

“Ayaw ko pong marinig n’yo ang rason ko Father, si Vice na lang po ang kausapin niyo ukol dito.”

Alam ni Menandro ang rason ng Governor. Tumingin siya sa mukha ni Gob pero ang Governor naman ay nakatingin na sa kumakantang contestant sa palabas na ang host ay si Cesar Montano.

“O siya, dahil wala namang patutunguhan ang usapan nating ito, pagsaluhan na lang natin ang Carbonarang iniluto ko.”

Dali-dali siyang pumunta sa kusina at inilapag ang dalawang plato sa may mesa. Sinundan naman siya ni Gob papunta sa kainan. Pinaupo niya ang Gob sa kainan. Binigyan niya ng kubyertos at wine glass ang Governor. Pumanhik siya sa kusina upang hanguin ang pasta sa kaldero, kunin ang Carbonara sauce sa isa pang kaldero. Bumalik pa siya at kinuha ang alak na nakasubmerge sa yelo dun sa may palanggana sa may lababo. Nang naihanda na niya ang lahat ay umupo na rin siya sa silyang tapat ng nakaupong Gob.

“Alak?” tanong ng pari.

Sumenyas ang Governor na gusto niya. Agad namang binuksan ng pari ang bote at nilagyan ang wine glass ng Governor hanggang sa kalahati ng baso.

“Kung gusto mo ay mauna ka na, magdadasal muna ako.” sabi ng pari sa Governor.

Pagpikit ng mata niya ay ramdam na ramdam na niya ang tibok ng puso niya. Sa lakas nito ay parang maririnig na rin ni Gob ang tunog mula sa dibdib niya.

Pagmulat niya ng mata ay kumakain na ng Carbonara ang Gob.

“Anshawap n’yo palang magluho, Father.”

Di naintindihan ng pari ang sinabi ng Gob. May laman pa kasi ang bibig ng Gob nang nagsalita ito. Ngumiti na lang si Menandro.

“O bakit ayaw n’yo pang kumain, Father? Mangangalahati na ‘tong kinakain ko.” sabi ni Gob.

Ininom ng Gob ang alak na inilagay ng pari sa wine glass niya. Nabitawan nito ang wine glass na hawak-hawak niya at nabasag ito sa sahig. Umubo-ubo ito at nagsimulang isuka ang mga kinain niyang Carbonara. May kasamang bula ang mga suka nito.

“Father!” pilit na sigaw ni Gob.

Nakaupo pa rin si Menandro sa kainan habang pinapanood ang nagdurusang Governor. Ilang minuto din bago natigil ang pag-ungol nito at humandusay na lang ang katawan nito sa sahig.

Nang nasigurado ni Menandro na wala na sa kamalayan ang Gob ay sinimulan na niyang hilain ang katawan nito patungo sa pintuan. Nakita niyang bumubula-bula pa ang bibig nito mula sa lasong nakahalo sa wine. Lalo pang lumakas ang tibok ng puso niya nung nakarating na siya sa pintuan at sumilip sa bintana. Inisip niya, Lunes ng gabi, wala ang mga sakristan dahil nasa kani-kaniya silang mga pamilya. Wala rin ang mga deacon dahil day-off nila ang araw ng Lunes. Binuksan niya ang pinto at hinila ang bangkay ni Gob patungo sa eskinitang daanan niya patungong simbahan. Madilim lagi ang bahaging ito kaya naisip niyang di siya gaanong makikita ng mga nagdaraan sa labas. Pumasok siya sa gilid na pinto ng simbahan at tinahak ang mahabang pasilyo papunta sa gilid ng altar kung saan nandun ang rebulto ng Birheng Maria. Hila-hila pa rin niya ang bangkay ni Gob. Pinagmasdan niya sandali ang krus sa gitna ng altar. Kamangha-mangha ang ilaw nito na nagsisilbing ilaw na rin ng buong simbahan pag oras na ng gabi. Inalis na niya ang tingin niya sa krus na iyon at sinimulang itulak ang rebulto ng Birheng Maria.

Pagod na pagod si Menandro sa paghila sa bangkay ng Governor kaya natagalan siya sa pagtulak ng rebulto. Kahit matikas ang pangangatawan ni Menandro ay hindi siya sanay sa ganitong kapaguran. Bawat pagtulak niya sa rebulto ay unti-unting nakikita ang maliit na pintuang gawa sa kahoy. Nang buo na niyang naialis ang rebulto ay binuksan na niya ang pintuan.

Pagpasok ay makikita ang isang maliit na altar na may krus na kasinlaki ng isang batang lalaki. Nakadikit dito ang ilang larawan ni Jesus at ang ilang mga litrato ng mga taong may ekis ang mukha. Sa baba ng altar ay may isang kabaong gawa sa kahoy na walang laman ang nakahimlay. Ang sahig naman ay hindi sementado. Nakapagtatakang walang damong tumutubo kahit sa mga gilid-gilid nito dahil pwedeng pagtamnan ang lupa. Mapapansin mo agad ang mga krus na nakapain sa lupa, ang pangatlo ay may hukay na may lalim na sukat na abot-ulo ng tao sa tapat nito. Sa paligid naman ay punung-puno ng insenso. Nasasapawan nang bahagya ang masangsang na amoy na nangagaling sa ilalim ng lupa.

Tumigil na ang pagbula ng bibig ng Governor. Nakanganga na lang ito at walang malay. Itinulak ng pari ang bangkay papasok sa maliit na pintuan. Nang nakapasok na nang tuluyan ang itinutulak niyang katawan ay gumapang na rin siya papasok at isinilid ang pinto ng dahan-dahan. Binuhat niya ang bangkay at ihiniga ito sa kabaong. Nang maayos na ang pagkakahimlay ng bangkay, lumuhod siya sa tapat ng krus ng kwartong iyon.

Inilabas niya ang rosaryo mula sa kanyang bulsa at nagsimulang manalangin. Umawit siya ng ilang mga kantang nasa lengwaheng Latin. Sinindihan ang kandila. Pagkatapos ay tumingala siya sa krus at sinabing:

“Ama, nakahimlay dito ang bangkay ng isang suwail na anak. Alam kong nagagalak kayo sa akin dahil natanggap na niya ang nararapat na parusa para sa kanyang pagkaila sa Kabanalan mo. Tulad ng dalawa pang nakahimlay sa mga hukay ng kwartong ito ay nararapat siyang mamatay. Tatlo silang mga hangal na hindi naniniwala sa Iyo. Tatlo silang mga hangal na paglaon ay magiging alagad ng kasamaan at pagsasamantalahan ang kabaitan mo.

Ama, ako ang magiging instrumento mo para tapusin na ang buhay ng mga nilalang Mo na ito. Mga nilalang Mo na nagdududa sa katotohanan na Ikaw ay nabubuhay nang walang hanggan.

Hindi dapat sila patawarin, Ama. Sila ay mga makasalanang tao. Hindi nila iniintindi na Ikaw ay nagsasakripisyo para sa kanila. Na ibinigay mo sa amin ang anak mong si Jesus na ipinako sa krus na umako ng kasalanan ng lahat. Ama-.”

Hindi na naipagpatuloy ni Menandro ang kanyang dasal dahil narinig niya ang isang kalabog sa labas ng kwarto. Napansin niyang nakabukas na ang pinto sa kanyang likod at may tao na tumayo mula sa pagkakagapang at kumaripas ng takbo palayo.

Agad-agad niya itong sinugod. Kamangha-mangha ang bilis ng pari at nagawa niyang mahabol ang binata na malapit nang makalabas sa gitnang pintuan ng simbahan. Natumba ang binatang hinahabol niya nang magawang mapigilan ng pari ang pagtakbo niya. Dinaganan ng pari ang binata para hindi ito makawala.

“Bakit ka nandito?” tanong ng pari habang sinasakal niya ang binata.

“Father, Father. Bakit Father?” sabi ng binata.

“Nakita mo ba ang lahat ng ginawa ko sa kwartong iyon?” muling tanong ng pari.

Hindi umimik ang binata. Ilang taon na rin niyang kasama ang pari dahil isa siyang sakristan sa simbahang iyon.

“Sumagot ka, sagot!” sigaw ng pari.

“Tulong! Tulong!” Hindi malinaw ang pagkakasabi ng sakristan sa mga salitang ito. Naiipit ang boses niya dahil sa sakal ng pari.

“Sabihin mo ang lahat ng nakita mo sa kwartong iyon!”

Putlang putla na ito dulot ng sakal at pagkagulat sa mga pangyayari.

Hindi maisip ni Menandro ang gagawin niya. Nauubusan na siya ng lakas at hindi na niya kayang sakalin pa ang sakristan. Tumindi pa ang kaba niya nang bumukas ang pinto ng simbahan at pumasok ang dalawa sa kanyang mga deacon.

“Tinangka niya tayong pagnakawan!” sabi ni Menandro nang pumasok ang dalawang deacon.

“Nagsisinungaling siya! Siya ang nagtatangka sa buhay ko!”

“Hindi kami hangal para paniwalaan ka! Ang pari, magsisinungaling?” sagot ng isang deacon.

“Huwag n’yo siyang patakasin.”

“Pinatay ng pari ang Governor! Nakahimlay siya doon sa kwarto sa likod ng rebulto! Tingnan n’yo, tingnan n’yo doon!” sigaw ng sakristan.

Hindi na alam ni Menandro ang gagawin. Manhid na ang kanyang mga paa para tumakbo palayo. Tumingin siya sa altar. Umiilaw pa rin ang krus na nakita niya kanina. Naglakad si Menandro patungo sa altar ng nakaluhod. Pagod na pagod na siya. Tumatakbo sa isip niya na kailan man ay hindi na niya maitatago ang sikreto. Sa sobrang pagod niya ay napahiga na siya sa sahig. Nasulyapan niya ang repleksyon sa sahig ng isa sa mga deacon na gumapang papasok sa kwarto. Pagkaraan ng ilang segundo ay sumigaw ang deacon.

“Nasaan? Nasaan ang bangkay ng Governor na sinasabi mo? Sinungaling!”

“Nakita ko ang bangkay kanina! Nakita ko talaga iyon!” sigaw ng sakristan.

Nabuhayan si Menandro sa kanyang narinig. Alam niyang nandoon ang bangkay ng Gob. Ang paghila sa bangkay ang rason kung bakit siya pagod na pagod. Hindi pwedeng mawala na lang ang bangkay ng biglaan. Umalis siya sa pagkakadapa sa sahig at iniayos ang sarili sa luhuran sa harapan ng krus. Nakangiti si Menandro habang nakatiklop ang mga kamay at nakatitig sa krus.

“Ama? Kayo po ba ang may gawa nito?” sambit ni Menandro.

Lumabas ang deacon mula sa kwarto at lumapit kay Menandro.

“Ayos lang po kayo, Father?”

Tumango si Menandro. Nilapitan na lang ng deacon ang sakristan na pinipigilan pa rin ng isa pang deacon. Nilingon niya ang sakristan sa may pintuan. Tulad kanina ay putlang-putla pa rin ito, kitang-kita kahit sa malayo. Kahit siya ay namumutla din. Di pa rin siya makapaniwala na bigla na lang mawawala ang bangkay sa kwartong iyon. Ang Ama kaya ang may gawa nito?

Isang buwan na ang nakalilipas.

“Hanggang ngayon ay hindi pa rin mahanap ang Governor ng bayan ng Roxas na si Governor Benjamin Solis. Sinasabing ang huling pinuntahan ng Governor ay sa simbahan para kapayanamin ang paring si Menandro Atienza. Isang buwan na ang nakalilipas nang mapabalitang may isang sakristan daw ang nakakitang pinaslang ng pari ang Governor ngunit napabulaanan ito ng mga testigo at ng imbestigasyon ng mga pulis.

Bukod sa Governor ay may dalawa pang nawawala sa bayan ng Roxas na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikita, wala pa ring lumalabas na testigo na maaaring makapagsabi kung saan sila napadpad-“

May kumatok sa pinto. Sumilip si Menandro sa bintana.

“Ginoong Balmaceda! Tuloy, tuloy.”

“Good Evening po, Father.”

“Maupo ka muna sa sala at ihahanda ko muna ang ating hapunan. Gusto mo ba ng alak?”

Advertisements